Naniniwala si Maguindanao Representative Esmael “Toto” Mangudadatu na siya ang puntirya ng sumabog na granada matapos ihagis sa kanilang convoy nitong Sabado, October 23 sa harap ng Army Detachment sa Guindulungan, Maguindanao.
Si Mangudadatu ay tumatakbo bilang gobernador ng lalawigan sa 2022 national at local elections.
Sa interview ng RMN Manila, inamin ni Mangudadatu na marami siyang katunggali sa eleksiyon kabilang ang isang kamag-anak na kaalyado ng mga Ampatuan.
Tiniyak naman ng mambabatas na ligtas siya maging ang anak dahil tanging ang convoy lamang nila ang naapektuhan ng pagsabog.
Sa ngayon, panawagan ng gobernador sa kaniyang mga katunggali sa eleksiyon na idaan na lamang sa mapayapang paraan ang pagdaraos ng halalan.
Matatandaang dahil sa nangyari, agad nang ipinag-utos ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon at tingnang mabuti ang lahat ng anggulo sa insidente.