Magulang na ayaw pabakunahan ang anak, pagmumultahin

IMINUNGKAHI ng isang health minister sa Germany na parusahan ang mga magulang na hindi papabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas. Kapag napatunayan na nagkasala, maari silang pagbayarin ng humigit kumulang 2,500 euro o 145,500 pesos.

Ayon sa panayam ng German newspaper na Bild am Sonntag noong linggo, sinabi ni Health Minister Jens Spahn na gusto niyang mawala ang kaso ng tigdas sa kanilang bansa. Dagdag pa niya dapat ulit bakunahan ang mga batang mag-aaral sa kindergarten o elementarya. Kung walang maipakitang totoong ebidensiya ang mga magulang, may posibilidad na pagmultahin sila at ibubukod pa ang mga bata sa paaralan.

Ginawa ang panukala dahil lumabas sa ulat ng European Centre for Disease Prevention and Control (ECDC) na Germany ang may pinakamataas na kaso ng tigdas sa buong Europe mula Marso 2018 hanggang Pebrero ng kasalukuyang taon. Kapag sumang-ayon at napatupad ito ng parlyamento bago matapos ang taon, magiging epektibo ang bagong batas sa darating na Marso 1, 2022.


Facebook Comments