Nanay, bumili ng cellphone para sa anak; ibinayad ang naipong barya

From Facebook.K&L Marketing

Naantig ang puso ng publiko sa ibinahaging kuwento ng isang cellphone store owner tungkol sa sakripisyo at pagpupursige ng isang magulang para sa kanilang anak.

Sa Facebook post ng K&L Marketing Shop, Lapu-Lapu City branch, nagbigay-pugay sila sa madre de pamilya na nag-ipon ng maraming barya upang makabili ng cellphone bilang gantimpala sa honor student na anak.

Ito rin ang kauna-unahang mobile phone ng supling, batay sa post ng nasabing tindahan.


Ayon sa pamunuan, bumili siya ng iPhone 5s sa halagang P3,999 noong Nobyembre 19, na pinakamurang telepono sa mga oras na ‘yun.

“We salute you, Nay. You have shown us that a mother is willing to do anything for her child. There’s no greater love than mother’s love,” pahayag ng mobile shop sa wikang Cebuano.

Dumepensa naman ang kaanak ng babae hinggil sa pambabash ng ilang netizens sa pagbili ng magarbong telepono.

“Mahirap ang sitwasyon nila dahil nagtratrabaho lamang sa vulcanizing shop ang tito ko at housewife lamang ang tita ko. Pinag-ipunan talaga nila yan para sa pamangkin ko.  Deserving siyang bilhan dahil matataas talaga grades niya at top student palagi. Nasa K-11 na ang pamangkin ko pero ngayon pa lang nakaranas magkaroon ng cellphone,” mensahe ni Sheila Diola sa comment section ng K&L Marketing account.

Sa ngayon, umabot na sa mahigit 20,000 shares and likes ang istorya ng ulirang magulang.

Facebook Comments