Maglalabas ng desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa hiling ng Estados Unidos na pahabain ang extension sa pagbabasura sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Matatandaang inihayag ni US National Security Adviser Robert O’Brien na ikinalugod nila ang pagpapalawig sa suspension ng VFA termination.
Para kay O’Brien, mas makabubuti kung pahahabain pa ng isang taon ang suspensyon para maresolba ang ilang isyu sa military deal.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magpapasya ang Pangulo lalo na siya ang chief architect ng foreign policy ng bansa.
Nabatid nitong Pebrero, ipinag-utos ni Pangulong Duterte na ibasura ang VFA dahil sa pangingialam sa mga usapin sa bansa.
Pero noong Hunyo, inabisuhan ng pamahalaan ang US na pansamantalang sususpindehin ang VFA termination ng hanggang anim na buwan at muling pinalawig ito ni Pangulong Duterte ng panibagong anim na buwan.
Ang VFA ay nilagdaan ng dalawang bansa noong 1998 na nagbibigay ng patakaran sa pagsasagawa ng pagbisita ng mga Amerikanong sundalo sa bansa.