Mahabang Pila at Mabagal na Transaksyon sa CCSPC, inirereklamo!

Sa pamamagitan ng RMN-Cotabato ay ipinarating ng mga estudyante ng Cotabato City State Polytechnic College (CCSPC) ang kanilang reklamo tungkol sa mabagal na proseso ng pagkuha nila ng clearance bilang paghahanda para sa ikalawang semestre.

Ayon sa isang estudyante ng CCSPC, mabagal kumilos ang mga nasa cashier dahil na rin umano sa katandaan na ng ilan sa mga ito.

Naaantala din anya ang pagsisimula ng transaksyon na malimit na nagsisimula ng alas 8 o alas 9 pa ng umaga.


Bunsod nito ay nagkakabuhol-buhol ang pila ng mga estudyante.
Ayon pa sa naturang estudyante, napagtyatyagaan naman na nila ang bagal ng transaksyon subalit maliban sa kabagalan ng mga taong nasa cashier ay hindi pa magiliw ang mga ito sa mga estudyante, pinagsusungitan umano ng mga ito ang mga mag-aaral na nais lamang magtanong.

Kaya naman humihiling anya ang mga estudyante ng CCSPC na palitan na ang mga matatanda nang empleyado na nasa cashier sa paniniwalang ang mga ito ang nagpapabagal sa mga transaksyon.

“Maging matyaga”, sumunod sa alituntunin ng eskwelahan.

Ito naman ang naging tugon ni Cotabato City State Polytechnic College (CCSPC) Pres. Dr. Damang Bantala sa naging panayam ng DXMY bunsod sa reklamo ng mga estudyante na nagrereklamo tungkol sa mabagal na pagkuha ng clearance para makapagpatuloy sila sa 2nd semester.

Ayon kay Dr. Bantala, nangyayari din naman sa ibang mga koleheyo, unibersidad at state universities ang ganitong senaryo.

Ang kailangan lamang anya ay maging matyaga ang mga estudyante at dapat na ikonsidera ng mga ito ang dami nila samantalang tatatlo lamang ang empleyado na kumi-cater sa kanila.

Sinabi pa ni Dr. Bantala na madali lang naman talaga ang transaksyon sa pagkuha ng clearance kung walang utang ang estudyante.

Inigayag pa ni Dr. Bantala na personal n’yang titingnan ngayon ang daloy ng proseso ng pagkuha ng clearance ng mga estudyante.

Ipinatawag din n’ya kahapon ang mga nasa cashier upang pagpaliwanagin sa mabagal na proseso at upang malaman mula mismo sa mga ito kung ano talaga ang problema.(Daisy Mangod)

File PIC CCTO

Facebook Comments