Inupakan ng ilang human rights advocates ang sobrang haba ng programa ng Department of Migrant Workers (DMW) sa tuwing sumasalubong sila sa Filipino repatriates na dumarating mula sa Israel.
Ayon sa mga tumangging magpakilalang human rights advocates, dumanas ng matinding trauma ang Overseas Filipino Workers (OFWs) bukod pa sa pagod sila sa palipat-lipat ng bansa bago makauwi ng Pilipinas.
Anila, hindi nakatutulong ang mahabang programa sa holding area lalo na’t ilan sa repatriates ay may medical condition habang ang iba naman ay may dalang sanggol.
Sabik din aniya ang repatriates na makapiling na ang kanilang pamilya matapos ang matinding mental stress na sinapit sa bakbakan ng Israel at Hamas militant group.
Pinuna rin ng human rights advocates ang pagdagsa ng mga pulitikong sumasalubong sa OFWs na kabilang sa mga nagtatalumpati sa harap ng mga pagod at puyat na umuwing Pinoy workers.