Manila, Philippines – Aminado ang Dept. of Transportation (DOTr) na mahal ang presyo ng electric jeepneys na isinusulong ng PUV modernization program.
Sa pagdinig sa senado, sinabi ni Transportation Assistant Secretary for Road Transport Mark De Leon, na aabot sa P900,000 hanggang P1.6 milyon ang halaga ng e-jeeps.
Kaya hinihikayat ng DOTr ang mga driver at operator na magsama-sama at bumuo ng kooperatiba o korporasyon para kayanin ang nabanggit na halaga.
Buwelta naman ni George San Mateo ng grupong Piston, hindi na kailangan ng mga bagong kooperatiba o asosasyon dahil meron na nito sa kasalukuyang sistema pero hindi natutulungan ng gobyerno.
Giit ni San Mateo, kahit may pautang at P80,000 na subsidiya ang gobyerno, hindi nila kakayanin ito.
Sinabi naman ng DOTr, aabot na sa 3,000 tsuper o operator ang lumagda ng kasunduang susunod sila sa modernisasyon pero maliit na porsiyento pa lang ito sa kabuuang 170,000 jeepney units sa bansa.