Manila, Philippines – Habang mahaba ang pila sa MRT North Avenue station, nagpainom ng libreng inuming pampalamig ang grupong Tindig Pilipinas sa mga sumasakay ng tren.
Pagpapakita ito ng grupo ng kanilang protesta sa anila ay panandalian solusyon ng gobyerno sa epekto ng Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN law.
Ayon kay Justine Balane, Media Relations Officer ng grupo, dahil sa sumisipang presyo ng mga bilihin at serbisyo, napipilitan ang mga ordinaryong mamamayan sa ngayon na kumagat sa mga loan shark o nagpapautang.
Minaliit din ni Balane ang ayuda na 200 pesos kada buwan ng gobyerno.
Aniya, kung kukuwentahin, nasa 6 pesos kada araw ang kayang abutin ng cash assistance na walang mabibili dahil sa nagmamahalang presyo ng basic commodities.
Tinawag din ng grupo na manhid ang mga economic managers dahil sa kabiguan na matiyak na ang epekto ng TRAIN law ay maipapasa sa mga mahihirap.
Ayon sa grupo, ang kilos protesta ay patikim pa lamang sa serye ng kanilang pagkilos bago sumapit ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.