Iminungkahi ni Senator Alan Peter Cayetano na lumikha na lamang ng Maharlika fund sa mga government financial institutions (GFIs) na mayroong kasalukuyang investment funds.
Ito ang suhestyon ni Cayetano sa halip na bumuo pa ng panibagong korporasyon dito na Maharlika Investment Corporation (MIC).
Inihalimbawa ng senador ang Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at Pag-IBIG na subok na sa pag-i-invest o pamumuhunan at mas pinagkakatiwalaan ito ng mga tao.
Kung ito aniya ang gagawin ng gobyerno ay mas pabor siya dahil sa mahabang panahon ay napatunayan ng mga institusyon na ito na may patutunguhan kanilang pamumuhunan.
Hiniling ni Cayetano na sa loob ng dalawang taon ay sa mga GFI muna ipagkatiwala ang Maharlika fund at kapag napalago ang investment ay saka na pagisipan ang paglikha ng hiwalay na korporasyon.