Hinikayat ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Yamsuan ang Maharlika Investment Corporation (MIC) na mamuhunan sa pagbuhay at pagsasaayos ng Philippine National Railways (PNR) Bicol Express o South Long-Haul Project.
Ayon kay Yamsuan, sa oras na mapatakbo muli ang PNR-Bicol bilang isang moderno at world-class train system ay maikokonekta na ang mahahalagang economic hubs sa Luzon na magreresulta sa dagdag na trabaho at kabuhayan.
Binanggit din ni Yamsuan na malaking tulong ito para mapalakas ang rail industry at magkakaloob din ng epektibong mass transport system.
Tinukoy din ni Yamsuan ang pag-aaral na ginawa ng World Bank kung saan nakasaad na mas energy efficient pa rin ang mga tren, mas mababa ang emission kada pasahero at aabot sa tonelada ng kalakal ang maikakarga kumpara sa ibang mga sasakyan.
Diin pa ni Yamsuan, ang pagbuhay sa Bicol Express o South Long-Haul Project ay maaaring maging pinakamalaking pamumuhunan ng MIC sa transportation sector dahil ito ay isa sa infrastructure flagship projects ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang mungkahi ni Yamsuan ay kasunod ng board meeting ng MIC kung saan kasamang tinakay ang mga sektor kung saan ito maaaring mamuhunan kabilang ang infrastructure, oil, gas, at power; agroforestry industrial urbanization, mineral processing, tourism, transportation, at aerospace and aviation.