Maharlika Investment Fund bill, hindi pa enrolled bill kaya hindi pa naisusumite sa Malacañang

Hindi pa enrolled bill ang inaprubahang panukala na Maharlika Investment Fund dahilan kaya hindi pa ito naisusumite sa Malacañang.

Ito ay kahit pa inapura ng Senado na mapagtibay ito bago nag-adjourn sine die noong nakaraang linggo.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, hindi pa masasabing enrolled bill ang Maharlika Investment Fund maliban na lamang kung ito ay naipadala na sa Palasyo.


Paliwanag ng senador, ang enrolled bill ay ang final copy ng printed at naiwastong amyenda sa panukala o ‘certified as correct’ ng Senado at Kamara.

Aniya pa, sumulat na rin si Senator Mark Villar, ang sponsor ng panukala sa Senado, kay Senate President Juan Miguel Zubiri para bigyang linaw ang salungat na nilalaman ng Section 50 at Section 51 tungkol sa prescriptive period sa mga lalabag sa MIF.

Sinabi pa ni Villanueva na dapat ay isa lang sa mga nabanggit na sections ang lalamanin ng MIF bill at kung pagbabatayan ang deliberasyon kamakailan, ang 10 taon na prescriptive period ang pinaburan matapos tutulan ang 20 taon na prescriptive period.

Batay sa Section 50, ang prescriptive period o panahon para makapagsampa ng kaso laban sa mga mangaabuso sa Maharlika fund ay 20 taon habang sa Section 51 ay sampung taon lamang.

Facebook Comments