Tiwala si Senator Francis “Chiz” Escudero na mas malaki ang pag-asang makalusot ngayon sa Senado ang bagong bersyon ng Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Ito ay dahil may mga binago sa bersyon ng panukala ng Senado kung saan inilarawan ito ng senador na ‘totally unrecognizable’ mula sa orihinal nitong porma.
Sa tantya ni Escudero, posibleng maaprubahan na ng mataas na kapulungan ang panukalang sovereign wealth fund o ang Senate Bill 2020 bago ang muling session break ng Kongreso sa Hunyo o bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa Hulyo.
Hindi rin niya nakikitang mahihirapang makalusot sa bicameral conference committee ang Maharlika bill dahil sumasang-ayon naman ang economic managers sa mga isinusulong ng Senado na amyenda sa panukala.
Sinabi pa ng mambabatas na nilagdaan na niya ang committee report ng MIF Bill na naglalaman na ng mga major amendments.
Ilan sa mga malaking pagbabago sa Senate Bill 2020 ay pinapayagan ang Maharlika Investment Corporation (MIC) na mag-isyu ng bonds.
Sa ilalim ng panukala, mayroong P500 billion na capital stocks na hinati sa P375 billion ‘common stocks’ na mula sa national government at P125 billion ‘preferred stocks’ mula sa pamahalaan at mga financial institutions at corporations salig sa mga kondisyon.
Ang ilan pang revisions sa panukala ay maaari namang gawin sa oras na masimulan ang interpelasyon sa MIF Bill sa plenaryo.