Sinimulan na ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang pagtalakay sa Maharlika Investment Fund (MIF) bill sa plenaryo.
Bago maumpisahan ang deliberasyon sa plenaryo, kinwestyon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang kawalan ng quorum at iminosyon ang pag-a-adjourn ng sesyon.
Agad namang nagpatawag si Senate President Juan Miguel Zubiri ng ‘roll call’ kung saan 16 na senador ang physically present sa plenaryo, nangangahulugan na may quorum.
Si Senator Mark Villar ang dumipensa sa MIF bill bilang chairman ng Senate Committee on Banks and Financial Institutions at isa sa naghain ng panukalang batas.
Nagsimulang magtanong si Senator Ronald “Bato” dela Rosa tungkol sa kaibahan ng MIF sa sovereign wealth fund at ang pangangailangan dito lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng mga government financial institutions.
Samantala, nagtanong naman si Senator Grace Poe tungkol sa mga kwalipikasyon at proseso ng pagpili ng MIF board members.
Matatandaang mabilis na nakalusot sa Kamara ang panukalang Maharlika fund matapos na sertipikahan itong urgent ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.