Maharlika Investment Fund Bill, sinimulan nang talakayin sa plenaryo

Inisponsoran na sa plenaryo ang kontrobersyal na panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) Bill na isa sa mga prayoridad ng Administrasyong Marcos Jr.

Si Senator Mark Villar na Chairman ng Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies na duminig sa sovereign wealth fund sa komite ang siyang nag-sponsor ng panukala sa Senado.

Ayon kay Villar, susuportahan ng panukalang MIF ang socioeconomic agenda ng administrasyon para sa taong 2023 hanggang 2028.


Sa MIF ay mapapabilis din ang implementasyon ng mga proyekto ng National Economic and Development Authority (NEDA) tulad ng public road networks, tollways, green energy, water, agro-industrial ventures at telecommunications.

Ang initial capitalization ng MIF na P500 billion ay manggagaling sa investible funds ng Land Bank at Development Bank of the Philippines (DBP) at mayroon ding kontribusyon sa national government mula sa mga dibidendo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at kita mula sa privatization, transfer of assets at maging ang royalties at special assessments ng gobyerno.

Para mabantayan naman ng husto ang pondo, magkakaroon ng internal auditor ang Maharlika Investment Corp. (MIC) na independent mula sa pamamahala ng MIF, kukuha rin ng internationally recognized audit firm bilang external auditor at ito rin ay sasailalim sa mahigpit na pagsusuri ng Commission on Audit (COA).

Facebook Comments