Maharlika Investment Fund bill, walang klarong mapagkukunan ng pondo

Ikinakabahala ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na walang malinaw na pondong mapagkukunan para sa isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Sa pinakahuling plano ay balak na hugutin ang ‘fund sources’ ng Sovereign Wealth Fund sa dividends ng mga government-owned and controlled-corporations (GOCC) at pagkatapos nito ay balak ding ipasok ang initial public offering (IPO) o ang pribadong sektor para pagkukunan ng pondo ng Maharlika bill.

Giit ni Pimentel, hindi ito ang opisyal na bersyon ng Kamara na inaprubahan noong nakaraang taon.


Nangangamba ang opposition senator na mas lalong lalaki ang kakulangan sa budget ng bansa dahil ang kita mula sa mga GOCC na inilalagay rin sa taunang pambansang pondo ng pamahalaan ay mababawasan pa habang patuloy naman ang pagtaas ng mga gastusin gastos ng bansa.

Binigyang diin pa ni Pimentel na kapag ganito ang nangyari ay tataas ang ating pagkakautang dahil hahanap na naman ng ibang mapagkukunan ng pondo para lamang mapunan ang mga programa at mga proyekto.

Punto pa ni Pimentel, maling-mali ang konsepto ng panukalang batas dahil ang pagkakaroon ng Sovereign Wealth Fund ay kung mayroong surplus o sobra-sobrang pondo ang pamahalaan.

Lahat aniya ng nais na tukuyin na ‘sources’ ng pondo ay bukod sa existing o meron na ay gamit na gamit na rin ito sa ating public financing.

Bukod aniya sa walang bagong ideya sa MIF Bill ay mistula lamang tayong gumagawa ng isang “protected corporation” na ang tunay na makikinabang ay ang mga investor.

Facebook Comments