Wala pang malinaw na ‘business plan’ na maipakita ang mga nagsusulong ng kontrobersyal na panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Sa pagdinig patungkol sa isinusulong na sovereign wealth fund, naitanong ni Senator Sherwin Gatchalian kung nakita na ba ng Land Bank ang business plan ng MIF para ngayon pa lang ay alam na ang mga puhunang o proyektong paglalaanan ng pondo.
Aminado si LBP President Cecilia Borromeo na hindi pa nila nakikita ang business plan ng MIF bunsod na rin umano ng kawalan ng historical information.
Iginiit ni Senator Nancy Binay na mas makukumbinsi sana sila na aprubahan ang panukalang Maharlika Fund kung silang mga mambabatas at silang mga nagsusulong ay batid kung ano ba talaga ang business plan ng sovereign fund.
Tugon naman dito ni Bureau of Treasury National Treasurer Rosalia de Leon na kasalukuyan pa lang ang ginagawang panukala at bahagi ng lehislasyon ang pagkakaroon ng investment strategy at risk management strategy.
Dagdag pa nito, ang lahat naman ng proyektong popondohan ng MIF ay aaprubahan ng NEDA kaya naman mayroon na ritong nakahandang pipeline ng mga proyekto.
Depensa naman dito ni Committee on Banks Chairman Senator Mark Villar, humingi na sila sa Department of Finance (DOF) ng listahan ng mga proyekto na potensyal na maging assets para sa “big ticket projects” ng Maharlika fund.