Sisimulan na ng Maharlika Investment Corportation (MIC) ang pag-invest ng Maharlika Investment Fund sa huling bahagi ng taon.
Sa pre-State of the Nation Address (SONA) briefing, sinabi ni MIC President at CEO Rafael Consing na hawak na nila ang P75 billion na capital contributions mula sa mga bangko at ngayon ay nasa pangangalaga ng Bureau of Treasury na itinalagang interim cash manager.
Ayon kay Consing, kabilang sa mga unang proyektong lalagakan ng puhunan ay ang renewable energy, digital connectivity, at healthcare.
Lalo aniya sa aspeto ng transmission lines sa island provinces para mapababa ang presyo ng kuryente, habang mag-iinvest din sila sa pagtatayo ng mga tower para sa digital infrastructure, at pag-upgrade sa mga ospital at clinic ng mga lokal na pamahalaan.
Nagpasya aniya sila na ang mga sektor na kailangan ng bansa ang unang bubuhusan ng puhunan, at kapag kumikita na ito o magkaroon ng sobrang kita ay saka ilalabas sa bansa ang pamumuhunan.