Ikinumpara ni Senator Risa Hontiveros ang Maharlika Wealth Fund sa isang confidential fund nang wala sa lugar.
Ayon kay Hontiveros, gaya sa isang ‘misplaced confidential fund’, ang Maharlika Fund ay hindi rin kailangan at hindi rin mapangatwiranan ng mga nagsusulong kung bakit kailangan nito.
Sinabi ni Hontiveros na ang itinutulak na sovereign wealth fund ay taliwas sa layuning pang-ekonomiya ng bansa lalo pa’t ang bahagi sa paunang pondo rito ay huhugutin sa pension funds ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS).
Aniya pa, ang sovereign wealth fund ay dapat na manggagaling sa sobrang pondo na wala naman ang bansa na makikita agad sa trilyong halaga ng pagkakautang ng Pilipinas.
Kakain lang din aniya ito ng pondo kaya mas mainam kung ang uunahin ay iyong mga urgent priorities tulad sa edukasyon, pangangalaga sa kalusugan at agrikultura.
Binigyang diin ng senadora na patunay lamang ang mga ito na hindi natin kailangan ang Maharlika fund at malinaw na hindi ito kakayanin ng bansa.