Sinusuportahan ng isang ekonomista ang isinusulong na Maharlika Wealth Fund ng ilang mambabatas.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Dr. Michael Batu na hindi na bago ang sovereign wealth fund.
Dahil nasa higit 50 mga bansa aniya kabilang ang kalapit na bansa sa Asya ang mayroong sovereign wealth fund.
Paliwanag ni Batu na sa ilalim ng sovereign wealth fund ay magkakaroon ng pagkakataon ang gobyerno na mag-invest at sumali sa pagbili ng stocks, bonds at real estates.
Sinabi rin ng ekonomista ang tatlong posibleng maging pakinabang kapag naging matagumpay ang sovereign wealth fund kabilang ang paglikha ng trabaho dahil maaaring makipag-partner ang gobyerno sa mga kumpanyang nasa ibang bansa na hindi magagawa ng Government Service Insurance System (GSIS) o Social Security System (SSS).
Makakadagdag rin aniya ito sa kita ng national government para panggastos sa mga programa, makatutugon sa budget deficit at makakabawas sa pangungutang ng bansa.
Naniniwala rin ito na mapapalakas ang sovereign wealth fund sa pension system na pakikinabangan ng mga senior citizen.
Dagdag pa ng ekonomista, kung maisasabatas ang Maharlika Wealth Fund ay kailangan lang na magkaroon ng safeguards para maprotektahan ang pera ng taumbayan at masiguro ang transparency para magtagumpay ito.