Nagpaalala si Senate Minority Leader Koko Pimentel na sa halip na benepisyo ay baka perwisyo ang abutin ng bansa sa isinusulong na Maharlika Wealth Fund (MWF) bill.
Malaki aniya ang panganib na magamit ito sa katiwalian dahil tiyak na mangungutang ang bansa para sa MWF at mabibigyan ng poder ang mangangasiwa ng pondo para makapangutang.
Sinabi ni Pimentel na surplus o sobrang kita ng pamahalaan ang maaaring ilagak sa Maharlika fund pero sa ngayon ay wala namang ganito ang bansa.
Katunayan aniya, lubog ang bansa sa ₱14 trillion na utang at kada taon ay nangungutang pa para matustusan ng pambansang budget.
Babala pa ng senador, maraming pera ng taumbayan ang nawaldas dahil sa katiwalian kaya hindi malabong mangyari ito sa Maharlika fund na kahit tadtad ng ‘safeguards’ ay balewala ito dahil planong gawing exempted sa maraming patakaran ang mangangasiwa ng pondo.