
Umarangkada ang pinaigting na kampanya ng Police Regional Office 1 laban sa ilegal na droga, mga wanted person at loose firearms kung saan umabot sa ₱15,442,136.80 halaga ng ilegal na droga ang nasamsam at 94 katao ang naaresto sa loob lamang ng isang linggo, mula Pebrero 15 hanggang 21, 2026.
Sa kampanya kontra droga, 37 indibidwal ang nadakip sa isinagawang 33 anti-drug operations. Ayon sa ulat, ang kabuuang nakumpiska ay 113.21 gramo ng shabu at 19.24 gramo ng marijuana.
Sa marijuana eradication operations naman, nawasak ang 73,350 fully grown marijuana plants at 31,000 gramo ng marijuana stalks sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Samantala, 57 wanted persons ang kabuuang naaresto ng kapulisan sa loob ng isang linggo. Kabilang dito ang 4 Most Wanted Persons — tatlo sa municipal level at isa sa city level — at 53 Other Wanted Persons.
Bukod dito, sa limang magkakahiwalay na operasyon laban sa loose firearms, 8 katao ang naaresto at 17 baril ang na-recover. Sa bilang na ito, lima ang kinumpiska, sampu ang boluntaryong isinuko, at dalawa ang idineposito para sa safekeeping.
Nahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon sa PRO 1, magpapatuloy ang mas pinaigting na operasyon upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa buong Ilocos Region. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










