
Nag-iwan ng ₱467 million na pinsala ang nagdaang Bagyong Crising at habagat.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nakapagtala ng mahigit ₱413 million na pinsala ang sama ng panahon sa imprastraktura.
Pinakanapuruhan ang Ilocos Region kung saan nakapagtala ng halos ₱300M na pinsala na sinundan naman ng Western Visayas na may mahigit sa ₱112 million at MIMAROPA na ₱650,000 na pinsala.
Samantala, nag-iwan naman ng mahigit sa ₱54 milyong halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa limang rehiyon sa bansa.
Karamihan sa mga napinsala ay mga high-value crops, fisheries, livestock at poultry sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA at Negros Island region.
Nasa 2,344 na mga magsasaka at mangingisda naman ang naapektuhan ang kabuhayan.
Sa pinakahuling datos ng NDRRMC, anim na nasawi bunsod ng walang tigil na pag-ulan at pagbaha kung saan nakapagtala rin ng limang sugatan at anim na nawawala.
Sa ngayon, sumampa na sa 362,465 na pamilya o katumbas ng mahigit 1.2 milyong katao mula sa 2,088 na mga barangay sa 17 rehiyon sa bansa ang apektado ng sama ng panahon.









