Umaabot sa ₱1.482 billion ang halaga ng shabu ang nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at National Intelligence Coordinating Agency sa anti-illegal drugs operation sa tatlong magkahiwalay na lugar sa Metro Manila at Bulacan.
Inihayag ng PDEA na sa unang pagsalakay na ikinasa sa Brgy. San Bartolome, Novaliches, nakumpiska ang 127 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng ₱863.6 million at naaresto ang tatlong drug suspects.
Kinilala ang mga ito na sina Wille Lu Tan alyas Chen Bien, Antong Wong alyas Wang Zhong Chun at Wang Min at Chen Zhi.
Sunod na isinagawa ang buy-bust operation sa Gen. Luis St., Paso De Blas, Valenzuela City at naaresto naman ang isang Joseph Dy at nabawi sa kanya ang 16 na kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ₱102 million.
Ayon sa PDEA, huling isinagawa bandang hapon kahapon ang buy-bust operation sa Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan at 75 kilograms ng shabu ang nakumpiska sa isang Chinese national na si Wu Zishen.
Isang alyas Chen Hongli na sinasabing kasamahan ni Zishen ang hindi nahuli at kasalukyang “at large.”
Nasa ₱510 million naman ang halaga ng illegal drugs ang nabawi sa pinakahuling operasyon.