Mahigit ₱11-M multa, inirekomenda ng PCSD laban sa barko ng China na sumadsad malapit sa Pag-asa Island

Inihayag ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) na dapat magmulta ang isang barko ng Chinese maritime militia na sumadsad sa mababaw na bahagi ng isang bahura malapit sa Pag-asa Island noong June 2025.

Base ito sa pag-aaral ng mga eksperto ng PCSD sa mahigit 300 square meters na pagkasira sa corals sa Pagasa Reef 1.

Ayon kay Dr. Benjamin Gonzales, eksperto ng PCSD, ang pagkasira ay mula sa ginamit na parachute anchor ng barko ng China na may bow number 16838.

Ang nasabing parachute anchor ay gamit para hindi tangayin ng alon ang barko ng China na kalaunan ay iniwan nito sa lugar at hindi ito kayang iangat ng anim katao na dive team ng Pilipinas.

Kinumpirma ng PCG na hanggang sa ngayon ay hindi pa maalis ang parachute anchor dahil hindi ito basta maiaalis sa lugar

Ang rekomendasyon ng PCSD ay isinumite na sa National Task Force on the West Philippine Sea na ipapasa naman sa Department of Justice (DOJ) at Department of Foreign Affairs (DFA) na siyang magbibigay sa gobyerno ng China.

Facebook Comments