Arestado ang dalawang high value individuals sa ikinasang anti-illegal drug operation ng Philippine National Police (PNP).
Sa impormasyong nakarating sa Kampo Krame, mahigit ₱2.6 milyon ang halaga ng iligal na droga ang nasabat ng mga tauhan ng Police Regional Office 4-A o Calabarzon PNP.
Ito’y kasunod ng magkahiwalay na operasyong ikinasa ng pulisya at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Antipolo City at Dasmariñas City, Cavite.
Kinilala ang mga naaresto na sina Lester Salcedo de Borja, residente ng Brgy. San Roque, Antipolo City at Yusop Pangandag Yasin, residente ng Brgy. Datu Esmael, Dasmariñas City.
Nakuha sa mga ito ang bloke-blokeng pinatuyong dahon ng marijuana bukod pa sa nakumpiskang shabu mula kay Yasin na nagkakahalaga ng mahigit ₱2.5 milyon.
Nahaharap ang dalawa sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.