Mahigit ₱3 trilyong na uutangin ng gobyerno sa 2024, kinwestyon ni Senator Marcos

Inusisa ni Senator Imee Marcos, ang plano ng gobyerno na mangutang ng mahigit tatlong trilyong piso sa susunod na taon.

Sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado, iginiit ni Sen. Marcos kung bakit kailangang mangutang ng ganito kalaki ang pamahalaan gayong tapos na o wala nang kinakaharap na COVID-19 pandemic ang bansa.

Ipinunto pa ng senadora na noong kasagsagan ng pandemya ay nasa ₱2.7 trillion lang ang inutang ng gobyerno kaya naman nagtataka ang mambabatas na kung kailan natapos na ang pandemya ay mas malaki pa ang uutangin ngayon.


Tugon ni Finance Secretary Benjamin Diokno, kailangang mangutang ng malaki ng bansa para matustusan ang mga infrastructure projects sa ilalim ng Marcos administration.

Sa 2024 national budget, 21.6% ng bahagi ng budget ay mapupunta sa imprastraktura.

Pinagsusumite naman ni Senator Marcos si Diokno ng listahan ng mga proyekto na popondohan mula sa foreign borrowings.

Samantala, sinabi pa ni Diokno na ikinukunsidera ng pamahalaan na ibalik ang sobrang inutang ng nakaraang administrasyon sa Asian Development Bank (ADB) para pambili ng COVID-19 vaccines.

Mayroon pa aniyang hindi nagagamit na loans para sa COVID ang Department of Health (DOH) na ikinukunsidera nilang ibalik sa Asian Development Bank at sa World Bank.

Facebook Comments