Mahigit ₱63-M na halaga ng ayuda, naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektado ng sama ng panahon

Tuloy-tuloy sa pagbibigay ng tulong ang pamahalaan sa mga kababayan nating naapektuhan ng walang tigil na pag-ulan at baha sa ilang rehiyon sa bansa.

Ayon kay Office of Civil Defense Officer-In-Charge, Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV nasa mahigit ₱63 million na halaga na ng ayuda tulad ng hot meals at relief goods ang ipinamahagi sa mga apektadong residente.

Sentro ngayon ng kanilang operasyon ang Metro Manila at mga karatig lalawigan tulad ng Bulacan at Pampanga na ilang araw nang inuulan at binabaha.

Sa ngayon, puspusan ang pagbibigay nila ng ayuda lalo’t nasa mahigit 15,000 indibidwal ang patuloy na nananatili sa 501 mga evacuation centers sa buong bansa.

Katuwang aniya nila ang Department of Social Welfare and Develoment (DSWD) sa pamamahagi ng tulong habang ang Department of Health (DOH) naman ang siyang sumisiguro na nananatiling ligtas mula sa mga sakit ang mga bakwit.

Sinabi pa ni Alejandro na sapat ang relief goods saka-sakaling lumobo pa ang bilang ng mga evacuees lalo na’t nasa bansa na si Bagyong Dante.

Facebook Comments