Ni-railroad umano ng City Council ng Cabuyao sa Laguna ang pag-apruba sa kanilang ₱3.3 billion 2025 annual budget at ang apat na bilyong pisong loan ng lungsod sa Development Bank of the Philippines o DBP.
Ito ang tahasang akusasyon ng mismong Vice Mayor ng Cabuyao kasabay ng paglalatag ng mga ebidensyang magpapatunay na hindi raw sumunod sa legal na proseso ang city council para sa nakatakdang paggastos ng bilyon-bilyong pisong pondo.
Sa isinagawang press conference sa Quezon City ibinunyag ni Cabuyao Vice Mayor Leif Opiña, na bukod sa walang feasibilities studies ang sinasabing pagtatayo ng mga pasilidad gaya ng Munisipyo, palengke at iba pa ay wala ring nangyaring deliberasyon ng council para rito.
Iregular aniya ang pag-apruba sa loan sa pamamagitan ng tinawag nilang special session na ginawa hindi sa plenaryo ng Konseho kundi sa bahay lamang ng isang konsehal.
Itinaon aniya ang pag-apruba para dito noong July 2023, ang panahon na late na nilang nalaman na naka-official leave pala si Mayor Dennis Felipe Hain.
Sabi ni Opiña, ginawa ito ng kanilang alkalde dahil itinalaga siyang acting mayor para mawalan siya ng papel sa Konseho bilang presiding officer.
Sa usapin naman ng 2025 budget, gaya raw ng nakalipas na dalawang taon ay hindi nabibigyan ng kopya ang presiding officer at sekretaryo ng sanggunian kung ano ang allotment sa bawat tanggapan.
Dahil dito ay inihahanda na ng kampo ni Opiña ang mga kasong isasampa sa Ombudsman laban sa mga opisyales ng lungsod ng Cabuyao.
Wala pang sagot dito ang alkalde ng Cabuyao City hingil sa naturang akusasyon ng kanyang vice mayor.