Inaprubahan na ng Philippine Economic Zone Authority o PEZA Board ang aabot sa 102 ecozone developer-locator projects na may capital investment na mahigit ₱50.5 bilyon para sa unang anim na buwan ng taong 2023.
Ayon kay PEZA Director General Tereso Panga, mas mataas ito kumpara sa mga inaprubahang investment pledges sa kaparehong panahon noong isang taon sa ilalim ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Dagdag pa ni Panga na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2023, nakapagtala na ito ng halos 205 investment projects na nagkakahalaga ng halos ₱200 bilyon.
Nagresulta aniya ito sa paglikha ng mahigit sa 1 milyong trabaho para sa mga Pilipino gayundin ng mahigit $58 bilyon na actual direct exports.
Kumpiyansa si Panga na mapananatili ang magandang pagpasok ng pamumuhunan sa Pilipinas at maisulong ang whole of government approach sa investment promotion para sa huling anim na buwan ng 2023.