Mahigit 1.5 bilyong pisong halaga ng shabu, narekober sa Cavite

Nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mahigit 1.5 bilyong pisong halaga ng shabu sa dalawang magkasunod na operasyon sa Bacoor at Imus, Cavite kagabi.

Batay sa ulat ng PNP Drug Enforcement Group kay PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar, ang unang buy-bust operation ay ikinasa bandang alas-7:00 kagabi sa B6-L15, Springville Executive 1, Molino 3, Bacoor, Cavite na nagresulta sa pagkakarekober ng 181 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng 1.25 bilyong piso.

Namatay naman matapos manlaban sa mga awtoridad ang dalawang suspek na kinilalang sina Basher Bangon, 59, tubong Cagayan de Oro, isang top level drug personality na contact ng Chinese syndicates, at si Danilo Untavar, 51, ng Dasmariñas, Cavite.


Sa follow up operation na isinagawa pasado alas-9:00 kagabi sa B6-L2, Topacio St., Phase 8, Brgy. Magdalo, Bahayang Pag-Asa, Imus, Cavite, narekober naman ang 48 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng 331 milyong piso.

Nahuli naman ang 2 suspek na kinilalang sina Lani Micoleta at Aldwin Micoleta, na mga tauhan ng unang nasawing suspek na si Basher Bangon.

Facebook Comments