Mahigit 1-K indibidwal, nananatili sa Delpan Evacuation Center sa Maynila

Nasa 272 na pamilya o mahigit isang libong indibidwal ang inilikas sa Delpan Evacuation Center sa Maynila.

Ito ay dahil sa panganib na dala ng Bagyong Pepito dahil karamihan sa mga ito ay nakatira malapit sa baybayin ng Manila Bay.

Ayon kay Anthony Flores Duico, Barangay Secretary ng Brgy. 275 Zone 25, nadagdagan kagabi ang mga inilikas kaya aabot ngayon sa 1,127 ang mga nananatili sa evacuation center.


Inaasahan naman na makababalik na rin ang mga ito sa kani-kanilang bahay oras na magtuloy-tuloy na ang pagganda ng lagay ng panahon.

Sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, wala nang anumang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa kalakhang Maynila.

Kanina, ibinaba na ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Council ang alert status sa Blue na heightened monitoring mula sa Red na highest monitoring and community response dahil sa pagbuti ng panahon.

Facebook Comments