Lumobo pa ang bilang ng mga indibidwal na apektado ng pinagsamang epekto ng southwest monsoon, Bagyong Butchoy at Carina.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, nasa mahigit 1.1 milyon indibidwal ang naapektuhan ng sama ng panahon sa 997 barangay mula sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, 7, 9, 10, 11, 12, CALABARZON, MIMAROPA, CARAGA, BARMM, CAR at NCR.
Katumbas ito ng 245,298 na mga pamilya.
Mula sa nabanggit na bilang ng mga apektado, 12,199 na pamilya o katumbas ng halos 52,000 indibidwal ang nananatili sa 263 mga evacuation centers habang ang nasa 600,000 katao ay mas piniling manatili sa kani-kanilang tahanan o makituloy sa kamag-anak.
Nasa 14 ang bilang ng mga nasawi, kung saan walo dito ang kumpirmado habang anim ang patuloy pang beneberipika.
Nakapagtala rin ng dalawang sugatan at dalawang nawawala.
Samantala, nasa ₱33 milyon na ang halaga ng tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong rehiyon.