Mahigit 1 milyong customer ng Meralco, nawalan ng kuryente dulot ng Bagyong Ulysses

Nagpapatuloy ang pagbabalik ng suplay ng kuryente sa 1.9 milyon na mga customer ng Meralco na nawalan ng kuryente sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.

Ayon kay Meralco Spokesman Joe Zaldarriaga, kaninang tanghali ay umaabot na sa 1.9 million na kanilang customers ang walang suplay ng kuryente kabilang ang area ng Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Quezon Province, Caloocan, Quezon City, Marikina, Muntinlupa at Makati.

Paliwanag ni Zaldarriaga, ang kanilang line personnel ay nagpapatuloy sa pagsasaayos ng mga lugar na walang suplay ng kuryente kung saan hindi nila minamadali ang pagbabalik ng suplay ng kuryente dahil maraming lugar pa rin ang binabaha na lubhang napaka-delikado sakaling ibalik nila ang suplay ng kuryente.


Dagdag pa nito na ang Meralco ay kasalukuyang ginagawa ang pagbabalik ng suplay ng kuryente sa main lines, lateral line at iba pang critical installations gaya ng sa mga ospital at government agencies na tumutugon sa mga Pilipinong apektado ng Typhoon Ulysses.

Hinihingi rin ni Zaldarriaga ang pang-unawa at pasensiya ng bawat isa dahil ikinokonsidera rin nila ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan gayundin ang kaligtasan ng kanilang mga customer pero tinitiyak ng Meralco na gagawin nila ang lahat upang agad na maibalik ang suplay ng kuryente sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments