Tiniyak ng Department of Social Welfare & Development (DSWD) na may sapat na pagkain ang mga kababayan nating posibleng maapektuhan ng Bagyong Marce.
Sa presscon sa NDRRMC sinabi ni DSWD Undersecretary Diana Cajipe na sa ngayon ay may 1.3 milyong family food packs stockpile ang ahensiya na handang ipamigay anumang oras.
Aniya, bago manalasa ang Bagyong Kristine nasa dalawang milyon ang kanilang food packs stockpile kung saan nakapamahagi na sila ng kalahating milyong family food packs sa Bicol Region na napuruhan nang nagdaang bagyo.
Aniya, nasa 300,000 food packs ang naka-standby sa mga lalawigang posibleng daanan ng Bagyong Marce.
Sa ngayon, activated na aniya ang kanilang repacking warehouse sa Central Luzon maliban pa sa Pasay at Visayas upang dumami pa ang kanilang stockpiles.
Sinabi pa ni Cajipe na tuloy-tuloy ang relief operations nila sa mga evacuation centers sa Bicol Region.
Nagbibigay rin aniya ang DSWD ng psychosocial support sa mga kababayan nating naapektuhan ng kalamidad.