Aabot sa 118 barangay sa National Capital Region (NCR) ang nasa ilalim ngayon ng granular lockdown dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.
Batay sa National Capital Region Police Office (NCRPO), 89 barangay sa Quezon City ang nasa ilalim ng granular lockdown, 12 sa Caloocan at Malabon, 10 sa Muntinlupa, Taguig at Pateros, tig-7 sa San Juan at Mandaluyong.
Ayon sa NCRPO, ang mga lugar na nasa granular lockdown ay pinagbabawalang lumabas ang mga hindi otorisado.
Una nang sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na sa Setyembre 8, sisimulan ang pagpapatupad ng granular lockdown sa Metro Manila.
Gayunman, hindi naman tinukoy ni Año ang mga lugar kung saan pilot ng granular lockdown.
Paliwanag pa ng kalihim, magsasagawa sila ng assessment at dito ibabase ang gagawin nilang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.