Matagumpay na nailigtas ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) sa pamamagitan ng Naval Task Force-61 ang 123 trafficking-in-persons sa Tubalubac Island, Barangay Aluh Bunah, Pangutaran, Sulu.
Ayon sa ulat ng NFWM, isinasailalim sa forced labor, partikular sa spearfishing ang mga nasagip na biktima na karamihan ay mula sa Cebu at Bohol.
Pinapagamit din umano ng iligal na droga ang mga biktima para matiis ang trabaho.
Nakuha sa isinagawang operasyon ang ilang baril, bala, magazine, gamit sa pampasabog at nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu sa loob ng bahay ng isang Jammang.
Nakatakas naman ang grupo ng mga recruiter at handler, kabilang ang isang Jammang at ang 15 kasabwat bitbit ang ilang high-powered firearms.
Nasa kustodiya na ng Ministry of Social Services and Development-BARMM ang mga biktima.
Habang ang mga nakuhang ebidensya ay dinala sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Sulu-Provincial Field Unit para sa documentation at proper disposition.