Mahigit 100 katao na binubuo ng medical at search and rescue team, ipapadala ng Pilipinas sa Myanmar bukas

Naka-standby na ang mahigit 100 katao na ipapadala ng Pilipinas sa Myanmar upang tumulong sa nagpapatuloy na search and rescue operations at magbigay ng humanitarian assistance sa mga naapektuhan ng magnitude 7.7 na lindol noong Biyernes.

Ito’y makaraang humiling ang Myanmar government sa Pilipinas ng agarang tulong, kabilang ang emergency search and rescue teams na may K9 o SAR dogs, medical assistance teams, gamot, medical equipment, emergency first aid kits, mobile generators, water sanitation kits, solar-powered lights at temporary shelters.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, kabilang sa mga ipadadala ang 31 miyembro ng Philippine Emergency Medical Assistance Team mula sa Department of Health.

Mayroon ding tig-iisang light Urban Search and Rescue team mula sa Bureau of Fire Protection, Armed Forces of the Philippines, Metropolitan Manila Development Authority at Apex Mining Corporation/First Gen-Energy Development Corporation SRR Teams na may kabuuang 80 katao.

Inaasahang magsisimula ang deployment bukas, April 1, at tatagal ng dalawang linggo.

Facebook Comments