Inihayag ng pamunuan ng Quezon City Government na nadagdagan pa ng 105 ang bilang ng mga taong nakarekober sa COVID-19 sa Quezon City para sa kabuuan na 2,845.
Sa kasamaang palad, lima pang kaso ang nadagdag sa mga namatay na umabot na sa 272 ang kabuuang bilang.
Sa pinakahuling ulat ng QC Health Department, lumobo na sa 5,304 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod base sa datos ng Department of Health (DOH).
Sa kabuuang bilang, 5,204 ang validated cases at 2,087 ang active cases.
Pinakamaraming namatay na COVID-19 patients ay mula sa Barangay Batasan Hills sa District 2 na may 15, sinundan ng Barangay Bahay Toro sa District 1 na may 11, Barangay Culiat na may 10, Barangay Fairview na siyam, Barangay Holy Spirit at Barangay Matandang Balara na may tig-walo.
Samantala, simula kahapon isinailalim na rin sa Special Concern Lockdown ang lugar ng Howmart Road, bahagi ng Alley 2 at 3 sa Barangay Baesa at No. 8A, Mariveles St. sa Barangay Sta. Teresita dahil nakitaan ng pagkalat ng COVID-19.
Nasa kabuuang 13 areas na sa lungsod ang nasa 14-Day Lockdown at mahigpit na binabantayan ng pamahalaang lungsod.