Mahigit 100 na mga lugar sa bansa, nakaranas ng pagbabaha dulot ng Bagyong Uwan —OCD

Sa pulong pambalitaan na ginanap sa tanggapan ng Office of Civil Defense (OCD), sinabi ni Civil Defense Deputy Administrator for Administration Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na nasa kabuuang 132 na mga lugar ang naiulat na nakaranas ng pagbabaha dulot ng Bagyong Uwan.

Kaugnay nito, nasa 13 naman na mga lugar ang nakaranas ng storm surge o pagtaas ng tubig dagat sa dalampasigan.

Ayon pa kay Alejandro, nasa 71 na mga kalsada at tatlong mga tulay ang hindi pa rin nadadaanan sa ngayon.

Habang 1,085 naman ang naiulat na nasirang mga kabahayan kung saan 89 dito ang naiulat na lubhang nasira at 996 naman dito ang bahagyang nasira.

Samantala, nasa 155 na mga bayan ang nakakaranas pa rin ng power interruption at 13 lugar ang nakakaranas naman ng water interruption.

Sa isa pang ulat, dalawa pa rin ang naitalang namatay at dalawa ang nasugatan habang mayroon pa ring mga ulat na for verification pa rin at hinihintay ang mga final reports mula sa mga Regional and Local National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMCs).

Facebook Comments