Mahigit 100 Pamilya sa Baggao, Cagayan, Inililikas dahil kay Bagyong Kiko

Cauayan City, Isabela- Tinatayang nasa mahigit 100 pamilya na ang inililikas sa isang barangay ng Baggao, Cagayan dahil sa banta ng bagyong Kiko.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Joan Dunuan, ito ay ang barangay Taytay kung saan flood prone areas ang nasabing barangay sa mga nakalipas pang taon kung kaya’t nagpatupad na sila ng pre-emptive evacuation simula pa kagabi, Setyembre 9, 2021.

Dagdag pa niya, ilan ring pamilya ang inilikas naman sa barangay Bunugan dahil ang mga ito ay nasa low-lying areas o mga bahaing lugar kapag nakakaranas ng matinding kalamidad.


Samantala, namahagi na ang lokal na pamahalaan ng tulong pinansyal sa mga barangay na siyang gagamitin ng mga pamilyang apektado ng bagyo.

Ayon pa sa alkalde, gipit na umano sila sa ipinapamahaging relief goods sa mga residente ngayong may sama ng panahon dahil nauna nang nagpamahagi ng food packs ang LGU sa mga pamilyang apektado naman ng pagsasailalim sa lockdown dahil sa COVID-19.

Pero, tiniyak pa rin ni Dunuan na mabibigyan pa rin ng tulong ang mga pamilyang inilikas sa tulong na rin ng Provincial Government ng Cagayan.

Facebook Comments