Mahigit 100 pulis, nagbantay sa DAR; mga magsasaka na nag-rally, isinakay sa bus at pinabalik sa Hermosa, Bataan

Isinakay na sa bus saka pinauwi na sa Barangay Sumalo sa Hermosa, Bataan ang mga nagkampong mga magsasaka sa harap ng tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Aabot sa mahigit 50 na mga miyembro ng Samahan ng mga Nagkakaisang Mamamayan ng Barangay Sumalo o SANAMABASU ang nagkampo sa harap ng DAR simula pa kaninang alas-7:00 ng umaga.

Ayon kay Fe Andulan, tagapagsalita ng grupong SANAMABASU, nais nilang ipabatid kay Agrarian Reform Secretary Bernie Cruz na ang direktiba nitong magsagawa ng survey sa nasabing lupang agrikultural ay hindi natuloy matapos harangin ng ilang grupo ang mga tauhan ng DAR sa pinag-aagawang lupa.


Hinarap din ni Secretary Cruz ang mga nagkampo na mga magsasaka at sinabi nitong nagpunta siya sa Hermosa, Bataan ngayong araw at na-resolba na ang isyu.

Nangako ang kalihim sa mga magsasaka na itutuloy ang gagawing pagsu-survey sa kanilang sinasakang lupa.

Bandang alas-5:00 ng hapon naman dumating ang mahigit 100 na pulis upang pauwiin ang mga magsasaka dahil wala umano sila permit para makapagdaos ng rally.

Facebook Comments