Mahigit 100 tauhan ng PDEG, tuluyan nang inalis sa pwesto matapos masangkot sa iba’t ibang iligal na aktibidad

Umaabot na sa kabuuang 117 mga tauhan ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ang naalis na sa pwesto.

Ayon kay PDEG Director PBGen. Faro Olaguera, mula sa 97 na inalis sa pwesto nadagdagan pa ito ng 20.

Aniya, 13 dito ay sinasabing konektado sa isyu ng 990 kilos ng iligal na droga habang ang pito naman ay dahil sa ibang kadahilanan.


Paliwanag pa nito, nagpapatuloy ang mahigpit na pagsala sa mga tauhan ng PDEG at sa ngayon nga ay sumasalang pa ang mahigit 1,000 tauhan nila sa refresher course.

Samantala, welcome naman para kay Olaguera ang plano ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., na i-deploy ang ilang mga tauhan ng Special Action Force (SAF) sa PDEG.

Ani Olaguera, saka-sakaling matuloy ang plano, sasalang ang SAF troopers sa dalawang linggong retraining dahil counter-terrorism ang kanilang expertise habang drug operations naman ang expertise ng PDEG.

Facebook Comments