Naka-aresto ang Philippine National Police (PNP) ng kabuuang 1,531 high value drug personalities sa loob ng 100 araw.
Ayon kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ito’y resulta ng pagtutulungan ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa paglulunsad ng mahigit 12,000 anti-drug operations sa buong bansa sa loob ng nakalipas na tatlong buwan.
Kabilang sa mga naaresto ang 13,391 drug personalities na nahuli dahil sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 mula Hulyo 1, hanggang Oktubre 8.
Sa 17 Police Regional Offices (PRO), pinakamaraming high value drug targets ang naaresto ng PRO 7 na nasa 250; kasunod ang PRO 3 na nasa 203; PRO 4A, 156; PRO 11, 132; at NCRPO na nasa 123.
Binigyang-diin pa ng PNP chief na ni-recalibrate nila ang kanilang anti-drug campaign kung saan patuloy na binibigyang prayoridad ang pag-iwas sa patayan at ang pagsasailalim sa rehab ng mga drug dependents.