Aabot sa 1,087 mga estudyante at miyembro ng faculty ang stranded sa abroad na hindi na naabutang makauwi sa Pilipinas sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa ngayon ay sinisikap ng Commission on Higher Education (CHED) na matulungan ang mga stranded students at faculty na makauwi sa bansa.
Sa virtual hearing na ginanap ng House Committee on Higher and Technical Education, sinabi ni CHED Chairman Prospero De Vera na hindi nakauwi kaagad ng bansa ang naturang mga estudyante at faculty dahil sa kanilang on-going internship.
Tiniyak nitong patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) patungkol dito.
Sa ngayon, 147 pa lamang aniya ang nakauwi ng bansa, habang 76 pa ang naghihintay para sa kanilang repatriation.
Umaasa na lamang din sila sa sweeper flights para sa repatriation ng mga apektadong estudyante at faculty matapos na suspendihin ni Pangulong Duterte ang public transportation bunsod ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine o ECQ.