Mahigit 1,000 kaso ng COVID-19, naitala ng DOH noong nakaraang linggo

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 1,118 na bagong kaso ng COVID-19 mula Mayo 9 hanggang 15,2022.

Batay sa DOH, ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 160, mas mababa ng 0.3 percent kumpara sa mga kaso noong May 2 hanggang Mayo 8.

Sa mga bagong kaso, 14 ang may malubha at kritikal na karamdaman.


16 naman ang mga nasawi kung saan 10 ay naitala noong Mayo 2 hanggang 15.

Mayroon ding 588 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19 nitong May 15.

Sa 2,812 Intensive Care Unit (ICU) beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 438 o 15.6 percent ang okupado habang 17.5 percent ng 23,707 non-ICU beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

Samantala, mahigit 68 milyong indibidwal o 76.29 percent ng target population ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 13.6 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng booster shots.

Facebook Comments