Kasunod nang pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa paggamit ng wang wang at blinker ay iniulat ni PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director Police BGen. Rommel Franciso Marbil na nasa 1,048 na mga motorista na ang kanilang nasisita.
Ito ay mula Hulyo 11 hanggang ngayong araw lamang Hulyo 18.
Base na rin sa ulat ng kanilang mga operating unit sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ayon kay Gen. Marbil, pinagbabaklas ang mga wang wang at blinker ng mga motoristang nasita para sa first offense.
Nabatid na base sa Presidential Decree 96, ang mga emergency device tulad ng wang wang at blinker ay eksklusibo lamang para sa mga sasakyan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Land Transportation Office (LTO), PNP, Bureau of Fire Protection (BFP) at mga ambulansya.
Pwede rin ito sa mga sasakyan ng gobyerno na reresponde sa emergency tulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at top 5 officials ng bansa kasama ang president, vice president, Senate president, House speaker, at chief justice.