Mahigit 1,000 pamilya, apektado ng pagbaha sa Tantangan, South Cotobato

Apektado ng pagbaha ang walong barangay sa bayan ng Tantangan, South Cotabato dahil sa malakas na pag-ulan.

Ayon kay Mayor Timee Joy Torres-Gonzales, ang mga barangay na apektado ay ang Bukay Pait, Maibo, Dumadalig, Mangilala, Cabuling, Libas, New Cuyapo, at Poblacion na mas naapektuhan ng pagbaha.

Iilang motorista naman ang na-stranded dahil sa pagtaas ng tubig-baha sa national highway.

Batay sa datos, abot sa 1,517 na pamilya ang apektado ng pagbaha at karamihan ay mula sa Barangay Poblacion na may mahigit 1,000 pamilya.

Mahigit naman sa P5.6 milyon ang halaga ng pinsalang dulot ng pagbaha sa mga pananim na palay at mais.

Kaugnay nito, siniguro ni Mayor Gonzales sa mga residente na may ginagawang hakbang ang lokal na pamahalaan upang lutasin ang problema ng pagbaha sa bayan.

Plano rin umano nitong makipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Irrigation Administration (NIA) para sa flood control projects.

Facebook Comments