Inihayag ngayon ng Pasay City government na binigyan at nakatanggap ng Department of Social Welfare and Development o DSWD food boxes ang 1,143 mga pasyenteng aktibo sa COVID-19 sa iba’t ibang barangay ng Pasay City.
Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, ang tanging mga nasa granular lockdown lamang ang obligadong bigyan ng food packs alinsunod sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) bagama’t hindi umano ito required pero nagkusang loob na umano ang Local Government Unit (LGU) bilang tulong at suporta na rin sa mga pasyenteng may taglay na COVID-19 at kani-kanilang mga pamilya sa gitna na rin ng nararanasang pandemya.
Paliwanag ng alkalde na ang naturang food packs ay naglalaman ng 5 kilong bigas, energy cereal drink at ready to eat canned goods.
Nais aniya ng LGU na tumutok na lamang ang mga pasyente sa kaligtasan ng bawat isa at pagpapagaling sa paglaban sa COVID-19 sa lungsod.
Umapela ang alkalde sa publiko na makipagtulungan sa LGU upang bumaba na ng tuluyan at mapigilan na rin ang pagkalat at hawaan ng COVID-19 dahil ang pinakahuling naitala na may kaso ng COVID-19 sa Pasay ay 1,025 ang aktibo, 18,335 ang mga nakarekober habang na 496 ang mga nasawi.