Mahigit 1,000 pulis, kinastigo ng PNP

Tuloy-tuloy ang ginagawang paglilinis ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang hanay mula sa mga tiwali at bugok na mga pulis.

Batay sa datos ng PNP, mula Hulyo a-uno hanggang Disyembre a-siete ng taong kasalukuyan o limang buwan mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., aabot na sa 1,211 tauhan ng PNP ang kinastigo dahil sa iba’t ibang kaso na kanilang kinasangkutan.

Mula sa nasabing bilang, 279 dito ang natanggal sa serbisyo dahil sa mga kasong adminstratibo, 79 ang na-demote, 472 ang suspendido habang 381 ang pinatawan ng iba’t ibang kaparusahan.


Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., hindi nila kukonsintihin ang mga tiwaling gawain ng mga pulis na siyang sumisira sa kanilang imahe sa publiko.

Facebook Comments