Mahigit 10,000 ilegal na paputok na nakumpiska ng Police Regional Office 1, sinira para sa ligtas na pagdaos ngayong holiday

Matagumpay na isinagawa ng Police Regional Office 1 ang ceremonial destruction ng 10,906 na mga nakumpiskang ilegal na paputok, pyrotechnic devices at boga sa isinagawang operasyon sa iba’t-ibang lugar sa nasabing rehiyon.

Layon ng nasabing seremonya ng pagsira na mabawasan ang mga firework-related injuries, mapaalalahanan ang mga nagbebenta at ang publiko sa pagban ng mga ilegal na paputok pati na rin maipakita ang seryosong kampanya ng ahensya laban sa paggamit ng boga na kadalasang mga kabataan ang naaksidente.

Para masiguro na ligtas ang isinagawang aktibidad ay nilublob sa tubig ang mga nasabing nakumpiskang paputok mula sa Bureau of Fire and Protection bago ang pormal na pagsira nito.

Ayon kay PNP Acting Chief Lt.Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na ang nasabing seremonya ay hindi lamang para sirain ang mga paputok, kundi ito ay pagsagip sa buhay .

Dagdag pa nya, walang lugar ang ilegal at mapanganib na paputok sa komunidad na magdudulot ng aksidente at disgrasya sa publiko dahil sa maling desisyon.

Patuloy namang nagpapaalala ang PNP sa publiko sa responsableng pagbili at paggamit ng mga paputok para sa masayang pagsalubong sa bagong taon.

Facebook Comments